Wednesday, July 6, 2011

Ang Kalbaryo Ng Mga Walang Valid ID sa Pagbubukas ng ATM Account



Nabanggit ko sa isa kong post na natupad ang pangarap kong magkaroon ng ATM account noong nagsimula ako sa oDesk. Oh well, hindi nyo lang alam. Kalbaryo ang pagbubukas ko ng ATM account. Actually, bago pa diyan e sinubukan ko na rin magbukas ng BPI Express Cash.



BPI Express Cash
Ako ay nagpunta sa mall, dere-derecho.

“Good afternoon po, gusto po sana mag-open ng BPI Express Cash.”
“Sige po ma’am, paki fill-up po ng form at pakiabot po ng ID niyo”
“Eto”
“Ma’am wala na po ba kayong iba pang ID?”
“Hindi ba valid ID ang student ID?”
“Valid po pero kailangan po ng 2 Valid IDs”
“:O”

Noong mga panahong iyon, tanging student ID lang ang meron ako. Di pa ako botante at tinatamad ako mag-apply ng Postal ID. Kaya isinuko ko na ang BPI Express Cash dahil hindi ko naman masyadong kailangan. Pero noong nagsimula ako sa oDesk, wala akong ibang choice kundi ang mag-open ng ATM account para makuha ang kita ko.



Unionbank of the Philippines
Naku, tandang-tanda ko. Summer noon, pero ang lakas-lakas ng ulan. Dahil as usual busy na naman kami sa mga kung anu-anong bagay sa school, lunch time lang ang free time ko para makapunta sa bangko. At talagang sinugod ko ang bangko kahit malakas ang ulan at kahit magiging putikan ang puti kong sapatos at stocking.

“Good afternoon po, mag-oopen po ako ng Savings Account.”
“Kailangan po ng 2 valid IDs”

Sa isip ko, syet eto na naman, pero di ako papatalo!

       “Ay paano po kaya, isa lang po ang valid ID ko kasi estudyante pa lang po ako.”
        “Ay iha, kailangan talaga 2 Valid IDs.”
        “Sige na po, wala na po bang ibang paraan?” (with paawa look) “Diyan po kasi ipapadala galing Paypal yung sweldo ko po sa part-time job ko…”
“Hmm, saglit lang iha.”

Tumayo ang bank personnel na naka-usap ko. Pagkatapos ay pumasok siya sa isang kwarto sa loob at lumabas kasama ang manager nila. Tumayo ako para bumati.

“Sir good afternoon po.”

Binasa niya ang mga forms na nakumpleto ko at tiningnan ang ID ko. Pagkatapos ang mahabang pagtitig sa papel, este pagbabasa, sa wakas ay nakapagdesisyon na siya.

“Sige iha ipa-xerox mo tong ID mo at registration card mo sa school, tapos bayaran mo sa kabilang window yung account fee.”
“Thank you po!”

Sa wakas, pinayagan din nila akong mag-open ng account! After 2 weeks, pinadala nila sa akin ang ATM card ko. Susme, kailangan lang pala na makulit ka. Naisip ko, kung hindi pa rin siya pumayag ay hindi talaga ako tatayo sa kinauupuan ko don. Customer ako and the customer is always right! 


Tuesday, July 5, 2011

Pagkita Ng Pera Habang Estudyante


Image From: Freelance Switch

Sa ngayon, kakagraduate ko lang. Pero nung ako’y estudyante pa nung isang buwan, maipagmamalaki kong ako ay self-support. Paano? Nagtyaga ako humanap ng sideline, at wag kayo. Choosy ako. Gusto ko nasa bahay lang ako.

Nagsimula ang lahat noong bagyong Ondoy. Naniniwala ako sa “The Law of Attraction”; kung maniniwala kang makukuha mo ang gusto mo, makukuha mo talaga. Habang baha sa aming bahay noong humahagupit ang bagyong Ondoy, naatim ko pa mag-internet. Buti na lang may kuryente pa at di pa nililipad yung antenna ng broadband. Sabe ko sa sarile ko “Krisis na naman, kailangan makahanap ako ng paraan kung paano ako kikita para di mahirapan ang mga magulang ko sa akin.”

At presto, ayun! Nakahanap ako ng sideline matapos halungkatin ang sulok-sulok ng internet. Hindi ko forte ang pagsusulat, pero ewan ko ba. Dun ako napadpad. Una akong lumanding sa website ng  EPH at nag-apply ako bilang Freelance Writer. Nagpasa ako ng resume at sample article based sa binigay nilang topic. Matapos ang isang linggo, ako ay natanggap at inilagay sa Red Team. Syempre noong una, hindi ko kapa ang pagsusulat ng web articles, pero dahil sa gabay ng aming mga magigiting na editors, ayun natuto ako. Nagkaroon pa nga ako ng warning noon dahil sa hindi magandang quality ng article na na-isubmit ko noon. Sa loob ng halos isang taon, o buong 3rd year college life ko, ang pagsusulat sa EPH ang sumuporta sa baon ko.

Noong summer classes naman namin sa school, I thought of getting out of the line.  Sabi ko nga sa sarile ko, there’s no growth if I will not take the risk! Kaya sinubukan ko ang oDesk. Nagtanung-tanong ako sa ilang mga co-writers namin noon na suma-sideline na din sa oDesk at gumawa ako ng account ko doon. Nahirapan akong magconvince na magtiwala sakin ang una kong client doon pero noong sa wakas ay may nagtiwala din sa kakayanan kong magsulat, e sunod-sunod na dumating ang mga job invitation. Hanggang nung naglaon ay iniwan ko na ang EPH dahil mas versatile ang trabaho sa oDesk at nagkaroon ako ng chance na makipag-interact sa mga banyaga. Karamihan sa kanila ay mababait at very understanding, although ang iba rin sa kanila ay strict at perfectionist.

Dahil sa pagsa-sideline ko sa pagsusulat, natupad ang pangarap kong magkaroon ng sarileng ATM. Ang babaw no, pero malaking achievement na yon para sakin! Dahil din sa pagsusulat di na ako umasa masyado sa sustento ng aking magulang, ako na rin ang nagbabayad ng ibang bills sa bahay at nakabili ako ng sarile kong laptop (na kapatid ko naman ang madalas na gumagamit).

Kung interesado ka malaman kung paano magsimula ng career sa Freelance Writing, dito ako natuto ng do’s and don’ts: The Freelance Pinoy 

At dito ko naman sinimulan ang lahat: EPH

Monday, July 4, 2011

Unang Post: Wais Ka Ba?


Hoy ikaw, wais ka ba?

Tayong mga Pinoy ay madalas na nasasabihang tuso. Well, hindi tayo tuso, wais lang! Sa panahon ngayon, tama lang na maging praktikal at madiskarte sa araw-araw. Lalo na kung ikaw ay katulad kong dukha, naku kailangan natin  maging madiskarte para mabuhay. Pero syempre, madiskarte sa paraang hindi manlalamang o mandadaya ng kapwa. Tandaan, mas nakakatakot ang tinatawag nilang karma.

Ang blog na ito ay ginawa para sa tulad ko, o tulad mong, wais. Why don’t we share our thoughts about living life practically? After all, lahat tayong Pinoy ay wais!